Konstitusyon ng mga ganid at duwag | Change Scamming
Connect with us

Change Scamming

Konstitusyon ng mga ganid at duwag

Editorial

Konstitusyon ng mga ganid at duwag

Naging matagumpay si President Rodrigo Duterte na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa P6.4 billion shabu shipment na hanggang ngayon ay malayo pa sa konklusyon.

Sinimulan ni Duterte na ilihis ang atensyon ng taumbayan sa pamamagitan ng sarsuelang impeachment hearing laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Lalo pang inilihis ni Duterte ang mga tao ng ipinasagasa niya ang mga ito sa kanyang TRAIN Law.

At ngayon naman, ang mga Pilipinong sinagasa ng TRAIN ay pilit pinapakain ng isang proposal kung saan pawang mga pulitiko at kaalyado ni Duterte lamang ang makikinabang.

Imbes na sapat na pagkain ang inihain sa hapagkainan ng bawat pamilyang Pilipino, ang ibinigay ni Duterte ay mga papel na malayong-malayo sa pangangailangan ng mga tao ngayon.

Iprinisenta ni Duterte sa mga Pilipino ang ideya ng federalism bilang magic pill na makakasagot sa lahat ng mga problema’t pangangailangan.

Kulang na lang ay ipagmukhang shabu ang federalism, kung saan isang hithit lang ay parang nawala ang lahat ng mga bumabagabag sa’yo.

Nagkaroon ng puwang ang federalism sa public discourse dahil na rin sa kawalan ng tiwala sa kasalukuyang sistema ng gobyerno na hanggang sa ngayon ay pinuputakti pa rin ng katiwalian at incompetence.

Ang 1987 Constitution, na inilarawan bilang pananggalang laban sa mga gusto maging diktador at tagapagtaguyod ng karapatang-pantao, ay hindi perpekto at marahil hindi naging epektibo dahil ito napatupad ng maayos.

Ang mga demonyo ay nagkakaroon ng lakas ng loob kung ang mga tao ay nawalan na ng pag-asa. Nagiging desperado ang mga tao na humanap ng solusyon sa kani-kanilang mga problema, at dito lumalabas ang mga demonyo.

Imbes na tumutok sa pinaka-kinakailangan ng mga tao ang federalism, ang mga nilalaman nito ay naging ganito:

  • Wala ng Office of the Vice President, Office of the Ombudsman, at Judicial and Bar Council;
  • Ang Pangulo, Bise-Presidente, mga miyembro ng Kongreso at Korte Suprema, at mga pinuno ng Constitutional Commissions ay exempted sa income tax;
  • Pagbabawas sa freedom of expression at freedom of speech;
  • 10-year transition o term extension para sa Pangulo at mga miyembro ng Kongreso;
  • ‘Unlimited’ reelection para sa mga miyembro ng Parliament, at isang reelection para sa Pangulo; at,
  • Wala ng jurisdiction ang Judiciary pagdating sa grave abuse of discretion ng pamahalaan

Kahit ganito ang mga tampok sa itinutulak na bagong saligang batas, may mga makikinabang pa rin dito. Hindi nga lang mga ordinaryong Pilipino, kundi ang mga ganid at duwag na pulitiko.

Ang federalism na sinasabi nilang daan para sa regional development at decentralization ay naging instrumento upang patabain pa ng mga pulitiko ang kanilang ego at pitaka.

Ang federalism na ipinapalabas na tatapos sa katiwalian ay magbibigay-daan para sa isang whole new level ng katiwalian.

Ang federalism na magbibigay umano ng kapayapaan sa Mindanao ay magbibigay ng napakalawak na kapangyarihan sa mga pamilyang naghahari-harian doon.

Tinalo ng federalism proposal ni Duterte ang pyramiding scam at budol-budol scheme. Matatamis na mga salita, magagandang mga ideya, ngunit sa likod ng mga ito nagtatago ang pansarili, anti-poor, at anti-Filipino na agenda.

Minamadali ni Duterte at ng kanyang mga kaalyado ang pagpasa sa bagong Konstitusyon na posibleng humantong sa no-election sa 2019.

Dati ay palaging bukambibig nila ang pagkapanalo ni Duterte sa eleksyon, ngayon naman ay gusto nila na huwag na magkaroon ng eleksyon. Galawang duwag?

Ang pinaka-kailangan ng mga Pilipino ngayon: pagkain, trabaho, at de-kalidad na mass transit.

Mas magandang pag-usapan sa pagbabago ng saligang batas ay kung paano bubuwagin ang mga political dynasties, pagpapalakas sa anti-corruption policies, at pagpapataas sa standards o requirements ng mga nagsisilbi sa gobyerno.

Marahil ay may mga magsasabi na naman na ang galing natin mag-isip at magsabi ng ideya kaya dapat tumakbo na lang tayo. Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na tayo dahil pinagmukha nila na mas magaling kumpara sa mga pulitiko.

Kung babalangkas tayo ng bagong saligang batas, iangkla natin ito sa mga pangarap ng mga ordinaryong Pilipino, at hindi sa mga pangarap ng mga pulitiko.

Huwag idahilan ang papalapit na Valentine’s Day para magpabola tayo kay Duterte at sa kanyang mga kaalyado. Ang pinag-uusapan natin ngayon ay para sa ating kapakanan at karapatan.

Hindi man literal na nakakain ang mga salita sa saligang batas, binibigyan naman tayo nito ng kalayaan at oportunidad para makapamuhay ng maayos.

 

 

 

 

 

Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

More in Editorial

To Top