'Binoto ko si Duterte, subalit siya rin pala ang papatay sa akin' | Change Scamming
Connect with us

Change Scamming

‘Binoto ko si Duterte, subalit siya rin pala ang papatay sa akin’

Stay Woke

‘Binoto ko si Duterte, subalit siya rin pala ang papatay sa akin’

“Duterte! Duterte! Duterte!”

Sinisigaw ko ang kanyang pangalan dahil alam ko ang kahulugan ‘non ay pagbabago. Siya ang sagot sa lahat ng problema ng bawat Pilipino. Kumbaga sa pananampalataya, dumating na ang Messiah.

Nadala ako sa kwento ng lungsod ng Davao: mula sa pagiging pugad ng mga kriminal at rebelde, ay nabago ito dahil kay Duterte. Para sa akin, kaakibat ng salitang disiplina ay ang pangalang Duterte.

Alam kong hindi matitiis ni Duterte ang taumbayan. Kami ay uhaw sa pagbabago, naghihintay kung kailan at sino ang magsasalba sa ating bayan na kay tagal nagtiis sa kahirapan at kalupitan.

Sa lublob ko, hindi naman makakain ang mga numero at press release ng pamahalaan. Hindi naman kami maisasalba n’yan mula sa kahirapan, krimen, at droga. Ang gusto ko, yung makikita ng sarili kong mga mata. At ‘yun ang isinakatuparan ni Duterte.

Isa ako sa milyun-milyong mga Pilipino na nagbukas ng pintuan ng Malacañang para kay Duterte. Karamihan sa kanya ay mga ordinaryo’t hindi naging mapalad sa buhay. Sa isang boto ko para sa kanya, pinahintulutan ko siya na pamahalaan ang buong bansa.

Mula Tondo, kung saan niya sinimulan ang kanyang kampanya, at hanggang Mendiola, kung saan naroon ako ilang metro lang mula sa lugar ng kanyang pinanunumpaan isang taon na ang nakalipas. Naroon ako upang saksihan ang pagdating ng pagbabago.

Ang naging pangako niya sa bayan: tapusin ang droga at krimen. Doon siya magaling. Wala siyang pakialam sa ekonomiya at iba pang sektor, basta ang mahalaga sa kanya’y may tatao naman doon.

Isa-isa ng nagsisitumbahan ang mga adik at kriminal sa mga unang araw palang ng kanyang administrasyon. Sa pagkitil sa kanila, kasama na rin mababaon sa hukay ang problema ng bansa, at ‘yun ang paniniwala ko.

Sa isang boto ko, binigyan ko ng lisensya si Duterte na tapusin ang mga taong itinuturing na salot sa lipunan at sagabal sa pag-unlad.

Labis ang pagkainis ko sa mga hiyaw ng hiyaw laban sa pamamalakad ni Duterte. Dapat tumakbo sila noong eleksyon, at hindi yung makikialam pa sila sapagkat hindi naman sila ang ibinoto namin. Paano naman daw ang buhay ng mga napapatay? Ang nasa isip ko naman, paano ang buhay ng mga nabibiktima?

Habang libu-libo na ang namamatay, at nasa milyon na ang sumusuko, unti-unting napapanatag ang loob ko. Ligtas na ang ‘Pinas. Wala ng pangamba kapag maglalakad sa gabi. Natutuwa ako kapag may nakikita akong napatay sa lansangan dahil alam kong salot ‘yon ng lipunan. Ang lahat naman ng napatay ay salot, ‘di ba? Mga nanlaban, sila pa ang may ganang pumatay.

Ito namang media, ginagawa pang drama ang mga nauulila. Madrama ang pagkuha ng mga litrato sa pamilya ng bawat napapatay. Tutok na tutok sa mga umiiyak at sumisigaw ng hustisya. Para bang ipininta nila na ang mga pinatay ay sila pang biktima.

Hanggang sa unti-unting lumalapit sa pintuan ng aming bahay ang mga pinangyarihan ng patayan. Sa una ay natuwa ako dahil nalaman kong may mga salot rin pala sa lugar namin. Subalit nakaramdam ako ng bago’t kakaiba noong malaman ko na hindi naman pulis ang nakakapatay sa kanila, bagkus mga hindi kilala.

Dati, hinahayaan ko pa na lumabas ang aking mga anak dis-oras ng gabi dahil alam kong ligtas naman. Ngunit sa paglapit ng mga patayan sa amin, kahit may araw ay pinapapasok ko na sila.

Ang mga kapitbahay ko ay dati kong nakasama sa kampanya para kay Duterte. Naniwala rin sila sa pagbabagong ipinangako niya. Sawang sawa na kasi kami sa mga balita ng krimen at mabiktima ng kriminal.

Subalit nag-iba ang ihip ng hangin noong epicenter na ng mga patayan ang lugar namin. Ang alam ko, ang mga hindi bumoto kay Duterte ay tanging mga adik, kriminal, at salot sa lipunan lamang. Kaming mga bumoto kay Duterte ay mga biktima lang. Dumating ang panahon na kahit mga tagahanga ni Duterte ay itinutumba na rin.

“Wala naman siyang ginawang masama, ‘di ba?”

“Paanong nangyari ‘yon eh binoto nga niya si Digong? Proud na proud pa nga ‘yan suotin yung damit at baller niya na may pangalan ni Presidente.”

Hanggang sa kami na ang pinupuntirya ng pamahalaang inihalal namin.

Pinipilit kong huwag intindihin ang mga nangyayari sa amin. Ano naman kung tagahanga siya ni Duterte, ‘di ba? Baka nga talaga may ginawang masama, o adik pala.

Mayroong mga adik at kriminal na naging tagahanga niya, nagbagong buhay na nga eh. Subalit bakit hindi sila tinantanan at pinatay pa rin sila?

Yung iba naman na pinaslang ay pawang walang kasalanan. Ang sabi ng mga tanod, mistaken identity lang, o sila-sila ang nakakaalam ng masama umanong ginawa kaya tama lang.

 

Pawang walang mga tsinelas ang pinupuntirya, laki sa hirap, at tambay sa kanto. Bago lang sa aming mga mata kung makakita ng mga mayayaman na napaslang dahil sa droga o krimeng nagawa.

Pawang walang mga tsinelas, laki sa hirap, at tambay sa kanto ang nag-angat kay Duterte sa pagkapangulo. Kami ang bahala na magpagod para ikampanya si Duterte, samantalang tagapondo lang ang mga mayayaman. Subalit kami pang mga mahihirap ang nawalan ng boses, at ang mga mayayaman ay may contact kay Duterte.

Overtime sa trabaho kaya gabi na ako nakauwi. Sa isang kantong nadaanan ko ay may pinaslang na naman. Tiningnan kung sino ‘yun at nakilala ko siya sapagkat binoto rin niya si Duterte. Suot-suot pa niya ang baller na namantsahan na ng sariling dugo. Nakapalibot ang SOCO at may nag-aantay nang kotse ng punerarya. Ito ang palaging ganap sa amin.

Tumuloy ako sa paglalakad pauwi ng bahay. Wala ng mga tao sa labas kundi ako na lang. Maririnig mo na lang ay mga tahol ng aso’t ingay ng telebisyon na mula sa mga kabahayan.

May dumaan na motor, ang lakas ng ingay ng makina kung kaya napalingon ako. Hanggang mayroon uli akong malakas na tunog na narinig.

Ang tunog na ‘yun ang nakapagpatumba sa akin.

At bigla akong hinagisan ng karton.

Hindi ko inakala na pati ako ay magiging bahagi ng normal na kaganapan sa Pilipinas. Hindi ko inakala na pati ako ay huhusgahan rin na salot ng lipunan sa pamamagitan ng nakasulat sa karton. Hindi ko inakala na mapapabilang ang aking pamilya sa humahabang listahan ng mga nauulila.

Hindi ko inakala na matatapos ang buhay ko dahil sa pagboto kay Duterte.

Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

More in Stay Woke

To Top